1: Hanapin

Kay tagal kong sinusuyod ang buong mundo
Para hanapin, para hanapin ka

* * * *

Mapaghahandaan ba talaga ang kamatayan? Sa tingin ko, hindi. Kung alam ko lang na mamamatay na ako noong araw na iyon, nagsuot sana ako ng itim na bikini imbes na pula. Siyempre, biro lang. Wala naman kasing pagbabagong madudulot iyon kung sakaling ginawa ko nga. Malulunod pa rin ako. Tatangayin pa rin ako ng alon. Dahil ang kamatayan, anuman ang iyong edad, ay hindi matatakasan.

“Anak, masaya ka ba dyan sa langit?” usal ng aking ina habang kausap ang puntod ko. Nandito sa sementeryo ang karamihan sa aking mga kapamilya. Ngayon kasi ang unang anibersaryo ng aking kamamatayan. Isang taon na rin ang lumipas pero sariwa pa rin ‘tong aking pangungulila.

“Ma, hindi pa nga po ako nakakatawid eh,” sagot ko kahit alam ko namang hindi nila ako naririnig. Isa pa rin akong ligaw na kaluluwa. Hangga’t hindi ko nagagawa ang misyong iniatas sa akin, mananatili ako rito sa lupa. Ano yung misyon? Simple lang.

Kailangan mong hanapin ang iyong soulmate,” saad ng Tagapagbantay. Hala? Yung totoo? Kung kailan patay na ako, tsaka ako maghahanap ng love life?

Bakit po? Para saan pa?tanong ko sa kanya.

“Dahil sa iyong paglisan, putol na ang pulang tali na nagdudugtong sa inyo ng iyong soulmate at wala na siyang kapareha. Hindi na siya makakaranas ng tunay at pangmatagalang pag-ibig. Kaya ngayon, dapat mo siyang hanapin upang maidugtong ang kanyang kapalaran sa iba.”

Hindi ko akalaing pwede pala iyon. Pero kung sabagay, kawawa naman si soulmate. Hindi na niya naabutan ang beauty ko.

Bibigyan kita ng isa’t kalahating taon. Nawa’y magawa mo ito bago ang nakatakdang oras,” pagpapatuloy niya.

“Ano pong mangyayari kapag hindi ako nagtagumpay?” Bakas sa aking tinig ang pangamba. Sa milyon-milyong tao sa mundo, napakaliit ng tsansa na matagpuan ko ang kanyang tinutukoy.

“Batay sa aking kaalaman, maipapanganak kang muli sa lupa at dadanas ng matinding paghihirap. Ngunit kung makaabot ka, makakatawid ka na sa langit upang makipag-isa sa ating Diyos.”

Iyon ang huling pag-uusap namin ng Tagapagbantay. Anim na buwan na lang ang natitira. Sana mahanap na kita, Soulmate.

* * * *

Nang umalis na sa sementeryo ang aking mga kamag-anak, napagdesisyunan kong pumunta sa beach. Ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na bumalik rito—lalo na’t ito ang lugar kung saan binawi ang aking buhay.

Walang gaanong tao sa resort, dulot na rin ng bagyo. Malakas ang hampas ng alon at tila nagwawala ang hangin. Sa kabila ng lahat, may naaninag akong isang lalaki na hindi alintana ang panganib sa kanyang paligid. Sa suot niya pa lang, halatang sanay na siya sa takbo ng dagat.

Isang lifeguard.

Bigla akong nanigas sa aking kinatatayuan nang magtama ang aming mga mata. Alam kong hindi naman niya ako nakikita at tumatagos lang ang kanyang tingin sa kawalan. Pero naramdaman ko eh. Kakaiba. Sigurado akong siya na ang matagal kong hinahanap.

Unti-unti kong nakumpirma. Ang pulang tali sa aking palasingsingan ay hinihila ako palapit sa kanya. Ano bang dapat kong maramdaman? Para kasing ang lakas ng kabog ng puso ko. Teka, may puso pa nga ba ang mga tulad ko?

“Hi, Soulmate!” masigla kong bati. Hindi ko maiwasang titigan ang kanyang maamong mukha. Moreno ang kanyang kutis, halatang madalas na nakabilad sa araw. Makisig ang kanyang pangangatawan at nakakasilaw ang nagtatago niyang abs sa ilalim ng suot na vest. May nakasukbit siyang pito [whistle] sa kanyang leeg kaya mukhang isa nga siya sa mga lifeguard dito sa resort.

Akalain mo nga naman. Sa dinami-rami ng lugar at araw, ngayon ko pa pala siya matatagpuan at sa mismong beach pa na ito. Hindi pa yata tapos ang tadhana na paglaruan kami.

“Anong pangalan mo?” Nagpakawala ako ng buntong hininga. Kung naririnig niya lang sana ako.

“Shin!” tawag ng isang kasamahan niya. Buti’t nasagot kahit papaano ang kanina kong tanong.

“Tara na’t mananghalian,” pag-aya ng bagong dating na lalaki. Sumunod nga dito si Soulmate ngunit bago tuluyang makalayo, lumingon siya sa dagat at aking nasulyapan ang kanyang malungkot na ngiti.

* * * *

Nilibot ang distrito ng iyong lumbay
Pupulutin, pupulutin ka

2: Mahalin

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s